Tuesday, April 16, 2013

Isipang Alumpihit

(Anim na Tanagà*)

Pilit na inaarok
Hangganan ng balantok
Katayugan ng bundok
Sa isipa'y himutok –

Yumayakap sa hangin
Animo ay may piring
Ang pagsamo ay dinggin
Isipan ay nahaling –

Nilulan ng karimlan
Lalim ng karagatan
Perlas na walang kinang
Isip ay natabunan –

Ang bantog na balakyot
Agaran sa paglimot
Awa ay inaamot
Sa isip kinukutkot –

Sugat mang balantukan
Pilit na tatalupan
Pilit na lilinisan
Pilit na lulunasan –

Isipang alumpihit
Walang anumang rikit
Isipang alumpihit
Taong walang bait!


(Lumalarawan ang mga tanagang ito sa taong salawahan ang isip na kailan man ay hindi magtatamo ng anuman sa kanyang mga mithiin.)

*Tanagà - tulang may apat na taludtod na may tigpipitong pantig

No comments:

Post a Comment