Sino ang makakakita ng mabuting ina?
Higit sa anumang yaman ang kanyang halaga
Nagpapasakop siya sa kanyang asawa
At lubos na nagmamahal sa mga anak niya -
Ang katulad ng ina ay isang ilawan
Nagbibigay liwanag sa isang tahanan
Lubos ang tiwala sa Diyos na maylalang
Siya ay nagsisilbing mabuting huwaran -
Hindi siya nagkukulang sa pag-aarugâ
Sa mga anak niya siya'y kumakalingà
Sa kanyang asawa ay handang tumalimà
Sa tahanan siya'y gumagawang may kusà -
Katuwang ng ama sa paghahanapbuhay
Gumigising bago pa magbukang-liwayway
Siya ay matiyaga at masayang nagsisikhay
Sa nangangailanga't dukhâ, siya'y mapagbigay -
Karununga'y bumubukal sa kanyang mga labì
Kagandahang loob sa puso niya'y humahabì
Ang masamang diwa sa kanya'y 'di sumagì
Ang kanyang katapatan ay mamamalagì -
Siya'y unang gurò sa kanyang mga anak
Nang sa karunungan sila ay lumawak
Sa pagsulat, pagbasa, at mga gintong aral
Pati sa pananalitâ at kabutihang asal -
Ang kanyang asawa'y tunay na mapalad
Sa isang kabiyak na walang katulad
Sa kalusugan o karamdaman, sagana o tagsalat
Nanatitiling mapagbatâ, kalakip ay pasalamat -
Kaybuti ng Diyos sa biyayang inilaan,
Na may isang ina sa bawa't tahanan;
Nararapat lamang na ating parangalan
At pasalamatan -- ang ILAW ng Tahanan!
-oOo-
No comments:
Post a Comment